-- Advertisements --

Tiniyak ng Department of Agriculture-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (DA-BFAR) na tuloy-tuloy ang relief operations na kanilang isinasagawa sa lahat ng mga apektado ng oil spill sa Oriental Mindoro.

Una rito, namahagi ng tulong ang BFAR-MIMAROPA ng suplay ng pagkain sa pamahalaang panlalawigan na para sa 5,000 apektadong pamilya.

Kasama na rito ang 1,000 sako ng bigas, 10,000 lata ng sardinas at 5,000 pakete ng instant noodles.

Bukod dito ay mayroon pang inisyal na P4 milyong pondo na inilaan para sa alternatibong livelihood assistance sa mga mangingisdang hindi muna makakapalaot dahil sa fishing ban.

Iniulat din ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na nasa 13,000 pamilya ng mga mangingisda ang apektado ng oil spill mula sa lumubog na MT Princess Empress.