Tumulong na rin ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa national at local social welfare development offices sa pagsasagawa ng relief operations sa mga lugar na apektado ng Bagyong Neneng sa Northern Luzon.
Umalalay ang Philippine Army’s 77th Infantry Battalion at iba pang government agencies sa pamamahagi ng 370 Department of Social Welfare and Development food packs sa mga lugar na apektado sa barangay ng Alba, San Miguel at Taytay sa bayan ng Baggao sa probinsiya ng Cagayan.
Umasiste din ang mga reservist volunteers ng 201st Cagayan Community Defense Center sa pagdadala ng food packs sa Aparri.
Nagsagawa naman ng rescue operation ang Marine Battalion Landing Team 10 sa Santa Ana, Cagayan, kung saan nasa 38 indibidwal ang ligtas na nailikas patungo sa mga evacuation center.
Nangako naman ang AFP ng patuloy na pagpapadala ng disaster response units sa mga lugar na apektado ng bagyong Maymay at Neneng kabilang ang disaster response units ng lahat ng kanilang battalions at brigades sa ilalim ng Nothern Luzon Command.
Naka-standby din ang air at naval assets ng AFP para sa aerial assessment, transport at evacuation operations.