-- Advertisements --

Inihayag ng Office of the Ombudsman na dadaan pa muna sa masusing proseso ng imbestigasyon ang isinumiteng panibagong rekomendasyon ng Department of Public Works and Highways at Independent Commission for Infrastructure sa tanggapan.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo kay Ombudsman Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla, kanyang ibinahagi na kinakailangan pa muna itong isailalim sa ‘fact finding’ at ebalwasyon.

Kanyang sinabi na sa darating na lunes nila ito titingnan kung anong hakbang ang susunod na gagawin ngunit aniya’y siguradong dadaan ito sa ‘fact finding’.

Giit kasi niya’y hindi ito basta lamang inihahain bilang ‘complaint’ o reklamo at dalhin sa preliminary investigation ng walang sapat at matibay na mga ebidensya.

Ngunit kung kumpleto naman raw ang mga ebidensya, maari na itong tumayo bilang kaso at tuluyang maisampa na sa kaukulang korte.

Nito lamang kasi ay ipinasa ng Department of Public Works and Highways katuwang ang Independent Commission for Infrastructure ang kanilang ‘joint referral’ para mapakasuhan sa Ombudsman sina former House Speaker Martin Romualdez at Zaldy Co.

Kanilang inirerekumendang makasuhan sila ng plunder, graft at direct bribery kaugnay sa kanilang pagkakasangkot sa maanomalyang flood control projects.

Dahil rito’y inahagi ni Ombudsman Remulla ang ‘timetable’ sa pagproseso ng rekomendasyon na aniya’t posibleng tumagal ng limang buwan o kung mas mapaaga ay 90 araw.

Layon aniya kasing gawin dalawang buwan lamang ang pagsasagawa ng fact finding at panibagong 60 araw para sa preliminary investigation bago maisampa na bilang kaso.

Kanya pang binigyan linaw na ang rekomendasyon isinumite sa tanggapan ay hindi agaran maisasampa bilang kaso sa korte.

Aniya’y susuriin pa itong maigi upang makita kung may sapat na batayan ang reklamo na siyang tutukuyin sa ilulunsad na ‘case buildup’ ng Ombudsman.