Isasailalim uli sa full alert status ng Philippine National Police (PNP) ang mga regional police office na nasa Northern Luzon area kaugnay ng super typhoon Ompong.
Ito ay epektibo alas-6:00 ng umaga ngayong September 12.
Ayon kay PNP Chief Oscar Albayalde, layon nito na i-mobilize ang lahat ng mga pulis kasama ang kanilang resources laban sa malakas na bagyon na inaasahang mananalasa sa Northern Luzon.
Pagaganahin na rin aniya nila ang kanilang First Battle Staff kasama ang Critical Management Team na nakabase sa National Headquarters, para tutukan ang mga lugar na hahagupitin ng bagyo.
Sa kabilang dako, ayon naman kay Police Director Camilo Cascolan, pinuno ng Directorate for Operations ng PNP, kabilang sa mga inalertong unit ay ang PNP-Special Action Force, PNP-Maritime Group, Police Community Relations, Health Services, Mobile Forces at iba pa, para pangunahan ang search and rescue and retrieval operations.
Pina-preposition na rin ng PNP chief ang kanilang mga rescue teams kasama ang kanilang mga rescue equipment.
Tiniyak ng PNP na maglalagay sila ng mga focal persons para mahingan ng update hinggil sa pinakahuing sitwasyon sa kanilang lugar at kung gaano kalaki o kalawak na ang naipaabot na tulong sa mga masasalanta ng bagyo.
Mahigpit ding inatasan ni Albayalde ang lahat ng pulis sa buong Luzon na ihanda at tiyakin ang kaligtasan ng kanilang pamilya’t ari-arian upang hindi na ito maging sagabal pa sa kanilang pagtulong naman sa publiko.
Maging ang mga kagamitan sa mga police stations ay pinase-secure din ni Albayalde.