Inirekominda sa local government units (LGUs) at ahensya ng pamahalaan na huwag nang singilin ng registration fees ang mga maliliit na online sellers.
Ayon kay Ang Probinsyano party-list Rep. Alfred Delos Santos, msimong si Pangulong Rodrigo Duterte na ang nagsabi sa ikalimang State of the Nation Address (SONA) nito na kailangan tulungan ang mga negosyo, lalo na ang mga micro, small and medium enterprises (MSMEs) na makabangon mula sa epekto ng COVID-19 crisis.
Base sa datos ng Philippine Statistics Authority noong nakaraang buwan, 7.3 million Pilipino ang nawalan ng trabaho noong Abril lamang dahil sa pandemya, habang sa pagtataya naman ng DOLE ay aabot pa ito ng hanggang 10 million sa Disyembre 2020.
Dahil dito, maraming mga nawalan ng trabaho ang napilitang magnegosyo na lamang online gamit ang iba’t ibang digital platforms.
Bilang tulong na rin sa mga ito, sinabi ni Delos Santos na makabubuti kung huwag na munang singilin ang mga MSMEs na apektado ng COVID-19 pandemic ng registration fees sa kanilang negosyo.
Nabatid na bago pa man nagkaroon ng pandemya, 99 percent ng mga negosyo sa bansa ay pawang mga MSMEs, na base sa mga datos ay responsable sa 63 percent ng employment noong 2018.










