ROXAS CITY – Naglulundag sa sobrang tuwa ang 49-anyos na regional prize winner ng P50,000 sa grand draw ng Buena Mano Salvo year 14 promo matapos marinig mismo ang kanyang pangalan na winner sa Visayas area.

Maluha-luha pa si Merlyn Florentino ng Barangay Barra, Roxas City na isa sa mga audience na sumaksi sa grand draw ng nasabing promo nitong hapon at halos hindi makapaniwala na siya ang nanalo sa regional prize.

Aminado si Florentino na bago ito pumunta sa broadcast center ng Bombo Radyo ay nanalangin ito na manalo.

Ayon pa sa ginang na malaking tulong na sa kanilang pamilya ang napanalunang premyo, dahil magagamit nila ito sa pagbili ng ilang kakailanganin sa bahay at ang maiiwan ay itatago sa banko.

Napag-alamang avid listener at matagal nang sumasali si Florentino sa lahat ng mga promos ng Bombo Radyo Philippines at ilang beses na rin itong nanalo.

Nakaugalian na rin nito na gumawa ng mga entries habang nasa bahay dahil noon pa man ay naniniwala na ito sa kasabihang “kapag may tiyaga may nilaga.”