-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Muling nagpaalala ang Regional Anti Cybercrime Unit (RACU 2) sa publiko na mag-ingat sa pagbili online.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PLt.Col. Rovelita Aglipay, OIC ng RACU 2 na araw-araw ay may natatanggap silang reklamo tungkol sa online scam na nag-umpisang dumami nang magkaroon ng pandemya.

Kamakailan lamang ay may mga inaplayan nanaman sila ng cyber warrant sa korte para matukoy ang pagkakakilanlan ng scammer.

May naging kaso sila na nag-order ng facemask online pero nascam dahil walang dumating na produkto subalit naipadala na ang pera na pambayad.

Hindi lamang aniya mga ordinaryong tao ang nabibiktima ngayon dahil mayroon ding mga government employees at maging sa kanilang mga pulis.

Natutukoy naman ang mga scammer sa pamamagitan ng pag-aaplay nila ng warrant to disclose computer data sa korte kung saan matutukoy ang pagkakakilanlan ng suspek sa pamamagitan ng naging transaksyon nila ng biktima.

Inihalimbawa niya ang paggamit sa Gcash. Ipapadala nila sa Gcash ang numero na ginamit ng suspek at sa loob ng 78 hours ay kailangang magbigay ang Gcash ng mga kailangan nilang data.

Ayon kay PLt.Col. Aglipay, dahil sa pagtitipid, takot lumabas at pagiging abala ay nag-oonline na lamang ang ibang mga tao.

Paalala nila sa mga mahilig bumili online na maging maingat at basahin ang reviews ng online store bago sila mag-order.

Sa mga nakakatanggap naman ng text message na nagsasabing nanalo sila at may ibinibigay na link ay huwag basta-basta pindutin ang link.

Pag-isipan aniyang mabuti ang mga gagawin kung ayaw ma-scam.