CAUAYAN CITY – Aabot sa 125,000 bag ng Urea na bahagi ng donasyon ng China na 20,000 metric tons sa Pilipinas ang magiging bahagi ng DA region 2 na ibibigay sa mga magsasakang nakapagtanim na ngayong wet season at nasa listahan ng Registry System for the Basic Sectors in Agriculture (RSBSA).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Regional Executive Director Narciso Edillo ng DA region 2 na ang 20,000 metric tons ng Urea ay inilaan ng pamahalaan para sa Region 1, 2, 3, 4a at Region 5.
Ang inilaan para sa region 2 ay nasa 125,000 bags ng Urea at dumating na sa rehiyon ang sampong sasakyan na pinagsakyan ng mga abono.
Ang mabibigyan ng mga abono ay ang nagtatanim ng palay na nauna nang nabigyan ng mga binhi at nakapagtanim na o magtatanim pa lang ngayong wet season at nakarehistro sa RSBSA.
Ang magsasaka na may sinasakang point one hectare hanggang point 6 hectare ay makakatanggap ng isang bag na Urea habang ang may point 6.1 hectares hanggang isang ektarya ay makakatanggap ng dalawang bag ng Urea.
Habang ang mga may 1.11 hectare pataas ay may karagdagang isa sa bawat point 1 hectare.
Kailangan naman ang valid government ID at picture ng tatanggap ng abono.