Simula sa Martes, December 31 ay makakatanggap ng refund ang mga pasahero ng ride-hailing app na Grab alinsunod sa utos ng Philippine Competition Commission (PCC).

Kung maaalala, pinatawan ng multang higit P16-milyon ng PCC ang Grab nitong buwan matapos madiskubre ang ilang paglabag sa panuntunan sa singil at quality commitments.

Batay sa anunsyo ng kompanya, maaaring makuha ng mga customer ang kanilang claims sa pamamagitan ng feature nito na GrabRewards Catalogue.

Susundin nito ang panuntunan ng Bangko Sentral ng Pilipinas kung saan kailangang sundin ang proseso ng basic “Know Your Customer” bago makuha ang refund.

Tinatayang aabot sa P5.5-milyon ang kabuuang administrative penalty ng Grab sa mga customer nito sa Metro Manila sa pagitan ng February 10 hanggang May 10 ng kasalukuyang taon.

Nasa P14.5-milyon naman ang paghahatian ng Grab riders na nag-book ng kanilang sasakyan sa pagitan ng May 11 hanggang August 10, 2019.

Sa datos ng kompanya, aabot sa 5.5-milyong pasahero ng GrabCar sa Metro Manila na nag-book mula Pebrero hanggang Agosto ang inaasahang makakatanggap ng refund.