-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Nagpaaalala ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR)-Bicol sa publiko na iwasan muna ang pagkain ng mga shellfish sa lugar na kontaminado ng red tide toxin.

Kabilang sa mga binabantayan ng tanggapan na makontanima ng red tide ay ang Sorsogon Bay at Milagros Bay sa lalawigan ng Masbate.

Ayon kay BFAR Bicol spokesperson Nonie Enolva sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, mahigpit na ipinagbabawal ang pagbebenta ng mga shelffish dahil sa mga posibleng epekto nito sa kalusugan.

Sa kasalukuyan wala pang namo-monitor ang tanggpangan na nalason ng mga lamang-dagat na mula sa nasabing mga baybayin.

Gayunman, huwag na aniyang hintayin na mangyari pa ito bago sumunod sa mga paalala ng BFAR.

Aminado rin ang opisyal na pahirapan ang pagpapasunod sa mga tao hinggil sa polisiya dahil karamihan sa mga ito ay nagdadahilan na wala namang epekto sa kanilang kalusugan kahit patuloy sa pagkain ng mga lamang-dagat.