-- Advertisements --
red tide alert

Nagbabala ngayon ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa publiko na iwasan muna ang pagkain ng shellfish na kinuha sa ilang probinsiya sa bansa dahil sa red tide.

Nagkakaroon ng red tide kapag mayroong mataas na concentration ng algae na nagreresulta ng discoloration ng tubig.

Ilan sa mga algae ay nagpo-produce ng toxic chemicals kapag ito ay nakain ng mga shellfish.

Sa inilabas ng BFAR na bulletin na may petsang Nobyembre 5 pero inilabas lamang kahapon, kabilang sa mga lugar na apektado ng red tide ang:

  • Coastal waters ng Dauis at Tagbilaran City sa Bohol
  • Coastal waters ng Daram Island maging ang Villareal, Cambatutay, San Pedro, Maqueda at Irong-Irong bays sa Western Samar
  • Coastal waters ng Leyte town maging ang Carigara at Cancabato bays sa Leyte province
  • Matarinao Bay sa Eastern Samar
  • Dumanquillas Bay sa Zamboanga del Sur
  • Lianga Bay sa Surigao del Sur
  • Coastal waters ng Baroy sa Lanao del Norte
  • Coastal waters ng Biliran Island

Ayon sa BFAR ang lahat daw ng uri ng shellfish at acetes sp. o alamang na galing sa mga lugar ay hindi ligtas kainin.

Paalala ng bureau, ang lasa at itsura raw ng toxic shellfish ay walang pinagkaiba sa mga hindi tinamaan ng red tide.

Hindi rin umano matatanggal ang red tide toxin kahit lutuin pa ito.

Dagdag ng BFAR ang mga kakain ng mga shelfish na mayroong red tide ay posibleng makaranas ng muscular paralysis at respiratory difficulty sa loob ng lima hanggang sa 12 oras.

Mayroon din umanong mga lumabas na report na may namatay na dahil sa respiratory paralysis.