Hinimok ni House Deputy Speaker at Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez ang Commission on Human Rights (CHR) at ang National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang umano’y “red-tagging” sa mga organizers ng mga community pantries.
Sa ilalim ng House Resolution No. 1725, sinabi ni Rodriguez na ilang mga community pantries na sa bansa ang nagsara dahil sa pangamba na mabiktima ng red-tagging.
Iginiit ni Rodriguez na kailangan masilip ang red-tagging activities na ito at matuldukan na rin kung ang ganitong uri nang pagpaparatang sa mga tao ay magreresulta lamang sa paghinto ng mga pagkakawang-gawa tulad ng sa nangyari sa ilang community pantries sa bansa.
Inihalimbawa ng kongresista ang nangyari sa Cagayan De Oro kung saan ilang community pantries ang nagsara matapos na mabiktima ng red-tagging at harassment.
Magugunita na noong nakaraang linggo ay napilitan si Ana Patricia Non na pansamantalang isara ang kanyang itinayong community pantry sa Maginhawa sa Quezon City dahil sa issue rin sa “red-tagging.”










