-- Advertisements --

Muling naungkat ang isyu ng red tagging sa mga indibidwal at sa mga progresibong grupo na kagagawan ng PNP habang nakasalang sa budget debate at deliberations sa plenary ang Department of Interior and Local Government (DILG) ngayong umaga.

Ipinunto ni Kabataan Party List Representative Raoul Manuel sa patuloy ang red tagging at pagpapahamak ng mga kapulisan sa ilang mga kababayan natin.

Ibinunyag din ni Manuel ang presensiya ng mga kapulisan sa ilang mga aktibidad ng ilang grupo.

Pero sagot ni Rep.Luisa Lloren Cuaresma na siyang sponsor sa budget ng DILG, aniya ang presensiya ng mga pulis sa lugar ay para panatilihin ang peace and order.

Ilan sa mga programa na ipinatutupad ng PNP kasama ang AFP ay ang mga isinasagawang clearing operations laban sa mga presensiya ng komunistang grupo.

Inungkat naman ni Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas ang mga ipinatutupad na programa sa ilalim ng NTF ELCAC, dahil ilan dito ay hindi umano transparent.

Hiling ni Brosas na magbigay ng listahan ang NTF ELCAC kung sinu sino ang mga naging beneficiaries ng nasabing program.

Sa kabilang dako, binatikos din ni Manuel ang National Youth Commission na puno umano ng katiwalian.

Matapos ang diskusyon at bago mag tanghali kanina, inaprubahan na rin ang ang budget ng DILG.