Tiniyak ng Philippine Red Cross (PRC) sa publiko na meron silang sapat na blood supplies para sa mga dengue patients.
Ginawa ng PRC ang pahayag kasunod ng pagkumpirma ng Department of Health (DOH) na pagtaas ng kaso ng dengue sa ilang lugar sa bansa.
Una rito sa report ng DOH, sinasabing kabilang sa mga lugar na nakitaan nang pagtaas ng kaso ng tinamaan ng dengue ay sa Region IX, Region VII at Region III.
Kaugnay nito, pag-iibayuhin ng PRC ang pagsasagawa ng dengue awareness and prevention activities upang makatulong sa DOH na maiwasan na dumami pa ang mga kaso ng dengue.
Muling ipinaalala ng PRC sa publiko na palaging magsagawa ng 4-S campaign para maiwasan ang dengue virus: search and destroy sa pinamumugaran ng mga lamok, magsagawa ng self-protection, agarang magkunsulta kung merong nararanasang sintomas, magsagawa ng fogging/spraying sa mga hotspot areas kung kinakailangan.
Kasabay nito nanawagan din ang PRC sa publiko na mag-donate dugo ng regular para makatulong sa pagsalba ng mga buhay sa mga dengue patients.
Ayon pa sa PRC sa mga nangangailangan ng madaliang suplay ng dugo ay magsagawa lamang ng koordinasyon sa kanilang PRC Blood Call Center sa pamamagitan ng nationwide dialing sa numero na 143.