KORONADAL CITY – Umabot na sa iba’t-ibang lugar sa Mindanao ang umano’y recruitment ng non-government organization na World Philosophical Forum (WPF) na ginagamit ang UNESCO upang makapangolekta ng P520 sa maraming tao.
Ito ang inihayag ng isang concerned citizen sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay alyas Marlon, maraming mga residente na rin sa Barangay Dukay, Esperanza, Sultan Kudarat ang naging myembro ng WPF sa pag-aakalang makakatanggap ng P10,000 na buwanang benipisyo mula umano sa UNESCO.
Maging ang kanyang mga tauhan ay nagkagulo dahil nais ng mga ito na maging leader sa pag-aakalang mas malaki ang matatanggap ng mga Purok leaders o Barangay leaders.
Matatandaan na itinanggi ng UNESCO na konektado sa kanila o may partnership at collaboration ang WPF sa kanilang mga programa.
Sa katunayan, nanawagan ang Philippine National Commission-UNESCO sa mga publiko na huwag magpaloko sa nasabing organisasyon.
Unang nabunyag ang pangongolekta ng pera ng WPF sa lungsod ng Koronadal na pinangungunahan ng mga pastor matapos na magreklamo ang mga Barangay Kapitan sa panibagong modus na ito.