KORONADAL CITY – Tiniyak ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA-12) na mananagot ang mga sangkot sa pagkamatay ni Jeanelyn Villavende upang mabigyang-hustisya ang naturang biktima.
Ito’y matapos sinabi ng tiya nitong si Nelly Padernal na hindi umano inaksyunan ng recruitment agency ang nangyari kay Jeanelyn.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Christine Sison, OIC-regional director ng OWWA-12, sinabi nitong nakatakdang gumawa ng salaysay si Padernal upang gawing batayan ng report sa Manila at sa isasagawang imbestigasyon kapag nagkaroon ng pagkukulang ang 5-Star recruitment agency.
Ayon kay Sison, hindi dapat umano pwedeng iisang tao lamang ang managot sa pagkasawi ni Villavende.
Samantala, hindi pa naman siya makapagbibigay ng komento kung may pananagutan din ba ang Kuwaiti government sa sinapit ng OFW, batay naman sa kasunduan na pinirmahan kasama ang Pilipinas noong Mayo 2018.
Matatandaang minaltrato at kakarampot na lamang ang sweldong binibigay kay Villavende.
Kinumpiska rin ang kaniyang cellphone, hanggang sa pinalo umano ng kaniyang amo ang ulo nito na naging dahilan ng kaniyang kamatayan.