-- Advertisements --

Sisikaping tapusin ng bicameral conference committee ang pag-aayos na gagawin sa magkaibang bersyon ng Senado at Kamara nang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Act.

Ayon ito kay House Committee on Ways and Means Committee chairman Joey Sarte Salceda matapos na magdesisyon ang Kamara na huwag kaagad pagtibayin ang Senate version nang CREATE.

May agam-agam kasi aniya ang ilang kongresista sa bersyon ng Senado nang naturang panukala.

Ito ang siyang dahilan kung bakit naghalal sila kahapon sa plenaryo ng Kamara nag mga miyembro ng House contingent sa bicameral conference committee.

Sinabi ni Salceda na sa bersyon ng Kamara, mas mataas ang corporate tax cut para makatulong sa nangyaring economic slowdown ngayong taon bunsod ng COVID-19 pandemic.

Mas flexible din aniya ang incentives system sa kanilang bersyon para makahikayat ng malaking investments, na inaasahang magbubunga ng maraming trabaho para sa mga Pilipino.

Dati na rin namang mapagbigay ang Pilipinas pagdating sa paggagawad ng tax incentives, pero sa pagkakataon na ito, gagawin nang performance-based, targeted, time-bound at transparent ang proseso sa ilalim ng CREATE bill upang ang bawat pisong ibinibigay bilang tax incentive ay magiging kapaki-pakinabang sa bansa.

Sa ilalim ng CREATE bill, babalangkas ng Strategic Investment Priority Plan (SIPP) kada tatlong taon para matukoy ang mga priority projects at activities na makakatanggap ng incentives.

Isasaalang-alang dito ang laki ng investments, employment generation prospects, potential for export, at ang pagpapasok ng innovative na mga proseso at technologies.

Ang Fiscal Incentives Review Board (FIRB) ay bibigyan ng kapangyarihan na magbigay ng incentives salig sa Tax Code. 

Ipinapangako rin ng CREATE bill ang gawing mas maayos ang pagbibigay ng income tax incentives.

Layon ng panukala na ang income tax holiday (ITH) ay ibigay sa loob ng apat hanggang pitong taon na susunduan ng special corporate income tax (SCIT) na 5% base sa gross income na kinita, sa halip na lahat ng buwis sa loob ng 10 taon; o maari rin na susundan ito ng corporate income tax (CIT) na may enhanced deductions sa loob ng 14 hanggang 17 taon.

Ayon kay Salceda, maituturing na “historic leap forward” para sa fiscal incentives ng bansa sakaling maging ganap na batas ang CREATE bill, lalo pa at halos tatlong dekada na rin aniyang hinihintay ang repormang kagaya nito.