Nag-anunsyo ang Maynilad Water Services, Inc. ng rebate para sa humigit-kumulang 167,500 lifeline accounts sa mga service area nito sa Metro Manila.
Sa isang pahayag, sinabi ng Maynilad na ang 167,500 lifeline accounts ay lubhang naapektuhan ng water service interruption dahil sa pagbaba ng produksyon ng Putatan Water Treatment Plants.
Inilarawan ng Maynilad ang mga “lifeline” account bilang mga kumukonsumo ng mas mababa sa 10 cubic meters (cu.m.) sa kanilang buwanang singil.
Ibinibigay ng Maynilad ang rebate bilang pagsasaalang-alang sa kanilang mga “lifeline” customers na napilitang magbayad ng minimum charge kahit na hindi sila nakakonsumo ng isang buong cubic meter.
Makukuha nila ang rebate sa kanilang May 2023 water bill.
Dagdag dito, ang mga account ay matatagpuan sa Pasay, bahagi ng Makati, Parañaque, Muntinlupa, Las Piñas, at Cavite.
Nangangahulugan ito na kung ang mga customer na ito ay kumonsumo lamang ng 1 cubic meters noong Marso ngunit kailangang magbayad ng ₱136.00 Minimum Charge para sa 10 cubic meters., sila ay may karapatan sa rebate na 9 cubic meters., o ₱121.98.
Kaya naman, ang halaga ng rebate ay mag-iiba, depende umano sa aktwal na pagkonsumo ng mga customer noong March 2023 na mas mababa sa 10 cubic meters.










