Tiniyak ni Philippine National Police (PNP) Chief Oscar Albayalde ang real time reporting sa mga magiging sitwasyon sa araw ng May 13 midterm elections.
Ito’y matapos pinagana na ngayong araw ang National Election Monitoring Action Center (NEMAC) sa Kampo Crame.
Ayon kay Albayalde, mamomonitor sa NEMAC ang iba’t ibang mga insidente na may kinalaman sa 2019 midterm elections.
Sa malaking LED screen, makikita ang real time delivery ng mga election paraphernalia sa mga presinto at kung nagkaroon ba ng problema sa paghahatid nito.
Kaagad ding makikita ang deployment ng mga tropa lalo na sa mga isasagawang checkpoint operations at mga election related incidents.
Nasa 66 personnel ang mamahala sa NEMAC sa Camp Crame na pamumunuan ni B/Gen. Florencio Ortilla.
Bukod sa 160,000 police personnel na magbibigay seguridad sa halalan, may mga “red team” mula sa PNP Counter Intelligence Task Force na magmo-monitor sa mga pulis kung may kinakampihan itong mga politiko.
Ayon kay PNP spokesperson Col. Bernard Banac, gagamitan nila ng mga makabagong kagamitan ang kanilang monitoring center.
Kung ano rin aniya ang naging paghahanda nila noon sa Asia-Pacific Economic Cooperation at Association of Southeast Asian Nations, ay ganito rin ang level ng kanilang preparasyon sa midterm elections ngayong taon.