-- Advertisements --

Ikinaalarma ng National Task Force (NTF) Against COVID-19 ang excitement na ipinakita ng publiko matapos na luwagan na ang quarantine restrictions simula kahapon.

Sa isang panayam, muling pinaalalahanan ni NTF Agains COVID-19 spokesperson retired General Restituto Padila ang publiko na patuloy pa ring mag-ingat sa posibleng pagkahawa sa virus.

Nababahala aniya ang NTF sa ipinakitang asal ng publiko kahapon, na marahil bunga aniya ng “kakulangan sa ganap na pagkaintindi sa sakit na nangyayari ngayon”.

Matinding trapiko ang naranasan sa ilang bahagi ng Metro Manila at Luzon kahapon makaraang luwagan ng bahagya ang quarantine measures.

Kabilang na rito ang EDSA-Balintawak papunta sa North Luzon Expressway na naging matindi ang traffic dahil sa pagdasa ng mga motorista na nagbakasakaling makauwi sa probinsya.

Kaya naman iyong mga non-essential travel at walang travel pass o rapid pass ay pinayuhan na lamang bumalik sa kanikanilang pinanggalingan.