-- Advertisements --

Muli na namang nahaharap sa kasong cyber liber ang CEO ng online news site na Rappler na si Maria Ressa.

Inihain ng prosecutors ang kaso sa Makati Regional Trial Court (RTC) noong November 23, limang buwan matapos ma-convict si Ressa at dating Rappler researcher Reynaldo Santos, Jr. ng cyber libel sa Manila.

Ang ikalawang kaso ay may kaugnayan sa una nang isinampang kaso kay Ressa dahil sa inilathalanang artikulo ng Rappler sa negosyanteng si Wilfredo Keng dahil umano sa pagkakasangkot nito sa krimen.

Si Ressa ay humaharap sa kasong cyber libel dahil sa kanyang tweet na naglalaman ng mga screenshots ng 2002 Philippine Star article laban sa nasabing negosyante.

Ginawa ni Ressa ang tweet noong February 2019, ilang araw lamang matapos itong maaresto dahil sa kanyang unang kaso.

Laman ng kanyang tweet ang artikulo ng pahagang Star na nagsasabing “prime suspect” ang negosyanteng si Keng sa pagpatay sa dating Manila councilor na si Chika Go.

Maliban dito, nakasaad din sa artikulo ang pagkakasangkot ni Keng sa smuggling ng pekeng mga sigarilyo at iba pang iligal na aktibidad.

Pero ang naturang artikulo ay tinaggal na online ng Star noong February 2019 matapos magpahayag si Keng ng posibilidad na pag-aaralan nila ang legal action kontra sa pahayagan.

Agad namang ipinababasura ng kampo ni Ressa ang ikalawang cyber libel case dahil wala naman daw defamatory sa statement ni Ressa sa kanyang tweet.