Nanindigan ang Department of Health (DOH) sa posisyon nitong tutol sa paggamit ng rapid antibody test kits ng mga manggagawang balik trabaho.
Reaksyon ito ng kagawaran matapos maglabas ng statement ang ilang medical organization na isinisi sa naglipanang rapid testing activities ang pagtaas ng COVID-19 cases sa bansa.
“It has been shown with evidence na maraming nag-false positive o false negative with this type of tests, kaya hindi natin siya dapat gamitin for screening,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
“In fact may protocol tayong pinalabas na tungkol sa ating guidelines on how we use rapid antibody tests atsaka sa guidelines natin for return to work,” dagdag ng opisyal.
Sa ilalim ng nasabing guidelines, hindi inirekomenda ng DOH ang malawakang screening sa mga empleyadong magbabalik-trabaho gamit ang rapid tests.
Bukod dito, nakasaad din daw sa resolusyon ng Inter-Agency Task Force na hindi dapat maging kondisyon ng mga magbabalik trabahong manggagawa ang pagpapa-test sa COVID-19.
“Unfortunately, maraming gumagawa especially ang mga companies na gusto na ring magpabalik ng kanilang mga empleyado.”
Binigyang diin ni Vegeire na hindi mismong virus ng COVID-19, kundi antibodies ang nade-detect ng rapid test.
Ilang pag-aaral na rin daw ang nagpatunay na “false positive” at “false negative” ang kadalasang resulta ng mga gumagamit nito.
“Ito (antibodies) makikita mo lang ‘to after so many days if you really have the illness, kung wala ka namang illness wala kang makukuha diyan.”
Ayon kay Dr. Arthur Dessi Roman, treasurer ng Philippine Society for Microbiology and Infectious Diseases (PSMID), wala namang mali sa paggamit ng rapid antibody tests, pero limitado raw talaga ang accuracy o pagiging tiyak ng nilalabas nitong resulta.
Bukod sa PSMID, nagpahayag din ng parehong pahayag ang Philippine College of Physicians, Philippine Medical Association, Philippine College of Chest Physicians, Philippine Pediatric Society, Philippine College of Occupational Medicine at Philippine Society of Public Health Physicians.
Itinuturing na “gold standard” ng World Health Organization ang RT-PCR test kits na siyang ginagamit bilang confirmatory test sa COVID-19.
Sa huling tala ng DOH umabot na sa 67,456 ang kabuuang bilang ng confirmed COVID-19 cases sa Pilipinas.