-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Nakakulong na ang 22-anyos na suspek na umano’y gumahasa sa isang 18-anyos sa Talisay City, Negros Occidental, matapos mahuli ng mga pulis.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Chief Master Sergeant Melinda Taganile, pinuno ng Women and Children’s Protection Desk ng Talisay Police Station, nadakip ang suspek na si Clinton Pelayo ng Purok Malinong, Barangay Bubog, makaraang dinala ng rescue team sa Teresita Lopez Jalandoni Provincial Hospital.

Naaksidente kasi ito sa motorsiklo habang tumatakas.

Una rito, niyaya ng suspek ang dalaga na bibili ng yelo na sumakay nalang sa kanyang motorsiklo dahil bibili rin daw ito ng ice cream sa Barangay Bubog.

Nang dumating sa madilim na bahagi ng subdivision, dito na niyaya umano ng suspek ang biktima na makipagtalik at nang hindi ito pumayag ay kanya itong hinampas ng brass knuckle kaya nawalan ng malay.

Nang magising ang biktima, nakahanap ito ng paraan upang makatakas at makahingi ng tulong sa mga residente.

Kaagad namang tumakas ang suspek lulan ng kanyang motorsiklo ngunit na-sidewipe ito ng bus at siya ay dinala sa ospital kung saan din dinala ang biktima kaya nahuli ng mga pulis.

Sa panayam sa suspek, inamin nito na gusto niya ang babae ngunit wala itong lakas ng loob na manligaw.