-- Advertisements --

Isinusulong ng dating COVID-19 patient na si Sen. Sonny Angara na maipatupad sa lalong madaling panahon ang mass at random testing sa bawat komunidad.

Ayon kay Angara, kung magkakaroon ng malawakan at agarang pagsusuri, tiyak na mapipigil ang paglaganap ng sakit na ito at mas mapaaaga ang pagbabalik sa normal ng buhay ng mamamayan.

Sa kasalukuyan, mahigit 6,000 na ang positibong kaso ng COVID-19 sa bansa.

Nabatid na nitong mga nakaraang araw, isa si Angara sa mga naglabas ng pagkabahala na posibleng marami pa ang bilang ng mga infected sa naturang karamdaman ngunit hindi lang nalalaman ng mga kinauukulan dahil sa mabagal na takbo ng testing, partikular sa mga komunidad.

Aniya, 18-20 porsyento ng mga apektado ng COVID-19 ay pawang asymptomatic o hindi kinakikitaan ng anumang sintomas.

Dahil dito, hindi sila nasusuri at malaki ang tyansa na nakahahawa sila nang hindi nila namamalayan.

Sa kasalukuyan, ang mga sertipikadong laboratoryo ng DOH ay nakagagawa lamang ng 4,000 tests kada araw at pangunahing inaasikaso ng mga ito ang mga pasyenteng nagpapakita ng malulubhang sintomas.