-- Advertisements --

Binarikadahan ng Manila Police District (MPD) ang buong Padre Faura sa Maynila matapos makatanggap ng impormasyon ukol sa kilos protesta na isasagawa ng isang consumer group na Ilonggo Consumers Movement sa harap ng tanggapan ng Supreme Court (SC).

Ayon kay MPD Station 5 Commander Lt Col. Ariel Caramoan may 55 pulis ang kanilang dineploy sa lugar para magbantay laban sa mga rallyista, aniya, mahigpit na ipinagbabawal sa Inter Agency Task Force (IATF) Omnibus Guidelines ang pagsasagawa ng ano mang protesta kaya naman kung magpupumilit ay kanila itong aarestuhin at maaaring kasuhan ng paglabag sa Revised Penal Code dahil sa illegal assembly bukod pa sa paglabag sa Inter Agency Task Force (IATF) rules patungkol sa social distancing.

Ang nasabing grupo ay una nang nagpadala ng imbitasyon sa media para magkaroon ng coverage ang kanilang gagawing kilos protesta sa harap ng Korte Suprema bilang pagkondena umano sa nagaganap na brownout sa Iloilo City.

Sinabi ni Tuesday Calma, coordinator ng grupo na napilitan silang umatras sa planong protesta matapos na rin makita ang maraming pulis gayundin ay pinagbawalan umano sila na magdaraos ng pagkilos kaya naman isang pressconference na lamang ang kanilang ipinatawag sa Max Restaurant sa Maria Orosa.

Aminado naman ng mga kasapi ng grupo na bagamat kumakatawan sila sa Ilonggo Consumer Group ay hindi sila nakabase sa Iloilo at sa Maynila na sila nagtatrabaho at naninirahan gayundin ay hindi ganoon kabihasa sa Ilonggo dialect.

Iniuugnay naman ang grupo sa Panay Electric Company (PECO) subalit nilinaw ni Calma na wala silang koneksyon dito at ang kanilang ginawang aksyon ay walang kinalaman sa magaganap na imbestigasyon ngayong araw ng Iloilo City Council kaugnay sa argumento ng ilang konsehal na dapat imbestigahan ang nagaganap na brownout sa Iloilo City.

Bagamat pinagbawalan, nagbanta ang grupo na may mga pagkilos pa silang nakalinyang gawin sa mga susunud na araw.

Una nang sinabi ni Manila Mayor Isko Moreno na bawal ang anumang pagkilos sa Maynila sa panahon ng public health emergency.

Sinabi ni MPD Director General Rolando Miranda na malinaw ang direktiba ng lokal na pamahalaan na bawal ang anumang pagkilos kaya naman nakaalerto ang kapulisan sa mga rallyista, nakiusap din ito na kung ayaw nilang maaresto at makasuhan ay mainam na huwag nang subukan na magdaos ng protesta.

Ang power service sa Iloilo City ay hawak na ngayon ng bagong Distribution Utility na More Electric and Power Corp (More Power) na inisyuhan ng legislaive franchise ng Kongreso at Certificate of Public Convenience and Necessity.

Una nang sinabi ng Energy Regulatory Commission (ERC) na ang pangangasiwa sa power supply sa Iloilo City ay wala na sa PECO matapos na rin bawiin ang operational permit nito at hindi irenew ang kanilang prangkisa bunga na rin reklamo ng mga reklamo sa operasyon nito na idinulog sa Kongreso.