-- Advertisements --

Patuloy pang pinaghahanap ngayon ng mga otoridad ang mga responsable sa pagsunog ng isang radio station sa Tagum nitong Miyerkules ng gabi.

Base sa imbestigasyon, sinasabing sinunog umano ang transmitter ng FM Radio Station sa Tagum City ng dalawang hindi pa nakikilalang mga suspeks.

Nababatid na ang nasabing radio station na RP-FM 99.9 ay pag-aari ni Pat Lucero, dating information officer ng Davao del Norte.

Ayon kay Lucero pasado alas sais ng gabi, dumating umano ang dalawang lalaki sakay ng kanilang motorsiklo at pinasok ang gusali nito sa Mawab, Davao de Oro kung saan matatagpuan ang transmitter ng nasabing stasyon at sinunog ito.

Hindi raw napansin na nakapasok na ang mga suspek kung saan naroon ang transmitter dahil nasa kusina ang nagbabantay nito sa panahong iyon.

Sa ngayon, patuloy pang ini-imbestigahan at kinikilala ng kapulisan kung sino ang nasa likod ng nasabing insidente.

Kung maalala na una nang nabaril si Pat Lucero ng hindi pa rin nakikilalang suspetsado noong Oktubre 1 ngunit swerte na lamang at nakaligtas ito.

Ayon naman kay Lucero na posibleng konektado umano ang bagong insidenteng nangyari sa pagtankang pagpatay sa kanya noon.