-- Advertisements --

(Update) CAGAYAN DE ORO CITY – Palapit na umano mahubaran ng maskara ng Special Investigation Task Group Johnny Walker kung sino ang nasa likod pagbaril-patay sa polio survivor/radio broadcaster na si Juan Jumalon na mas kilala na si Johnny Walker sa Purok 2,Barangay Don Bernardo A. Neri,bayan ng Calamba,Misamis Occidental.

Ito ang paglalahad ni Misamis Occidental Police Provincial Office Director P/Col. Dwight Monato na siya ring SITG Johnny Walker commander patungkol sa pagsagawa ng malawakang imbestigasyon sa nangyari kay Jumalon sa mismong announcer’s booth nito noong umaga ng Linggo.

Sinabi ng opisyal na malaki ang tulong mga kuha na footages mula sa CCTV na naka-posisyon sa bahay ng biktima maliban sa naka-social media online ito sa kasagsagan ng pangyayari.

Aniya,patungo na ang SITG sa pagtukoy sa mga salarin dahil sa mga testimonya ng mga testigo na unang nakaharap bago pinasok ang lokasyon ng biktima.

Magugunitang dalawa sa mga suspek na armado nang pinaniwalaang kalibre 45 na baril ang pumasok sa bahay ni Jumalon habang nagsilbing look out rin ang isa pa na drayber ng motorsiklo.

Una nang binanggit ng SITG na tila sesentro ang imbestigasyon nila sa personal at medyo malayo sa pagsilbing radio broadcaster ng biktima dahil mismo ang maybahay nito ay nagpatunay na hindi ‘hard hitting commentator’ ang kanyang asawa.

Kung maalala,pinakikilos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang lahat ng mga ahensiya mayroong kaugnayan sa law enforcment functions upang agad ma-resolba ang kaso ni Johnny Walker.