Kinumpirma ng Philippine Nuclear Research Institute (PNRI) na may mga bahagi ng isang steel manufacturing plant sa Tagoloan, Misamis Oriental, na nakitaan ng “elevated radioactivity,” kasunod ng alegasyon na gumagawa ito ng substandard na bakal.
Ayon sa mga awtoridad, nadiskubre rin na sa kabila ng panganib sa radiation, ay hindi umano binibigyan ng personal protective equipment (PPE) ang mga Pilipinong manggagawa dito habang ang ilang undocumented Chinese workers ay sinasabing kumpleto umano sa proteksiyon.
“Filipinos are not disposable labor. Filipinos must never be subjected to unsafe working conditions,” pahayag ni Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Executive Director Benjamin Acorda.
Sinabi rin ng PNRI na dahil radioactive ang mga materyales, posibleng radioactive din ang mga produktong bakal na ginagawa ng planta, na maaaring magdulot ng seryosong panganib sa kaligtasan ng publiko.
Iniulat din na ang naturang planta, na pinaniniwalaang pag-aari ni Tony Yang kapatid ni dating presidential economic adviser Michael Yang ay nagsimula ng operasyon noong 2017.
Ayon sa NBI, patuloy pa ang imbestigasyon sa lawak ng operasyon at posibleng distribusyon ng mga produkto ng planta.
Sinusubukan pang kuhaan ng Bombo Radyo Philippines ng pahayag ang naturang planta.















