Binisita ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. sa PHIVIDEC Industrial Authority sa Tagoloan, Cagayan de Oro, Misamis Oriental matapos lumabas ang ulat tungkol sa umano’y ilegal na operasyon na kinasasangkutan ng mga undocumented foreign nationals at mga Pilipinong manggagawa na humahawak umano ng posibleng mapanganib na materyales.
Batay sa paunang imbestigasyon, may sangkot na 69 Chinese nationals at isang Pilipino sa operasyon.
Isinagawa ang pagbisita sa koordinasyon ng Presidential Anti-Organized Crime Commission o PAOCC, na humiling ng tulong mula sa Department of National Defense (DND) upang matugunan ang sitwasyon at matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga apektadong manggagawa at kalapit na komunidad.
Iniutos ni Teodoro sa Office of Civil Defense (OCD) Region X na agad magsagawa ng kumpletong inventory at accounting ng mga empleyadong naapektuhan ng pagpapahinto sa operasyon ng pasilidad, na nananatiling aktibong crime scene habang nagpapatuloy ang imbestigasyon at pagpapatupad ng search warrant.
Inatasan din ni Secretary Teodoro ang OCD Region X na makipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno upang mabigyan ng tulong ang mga nawalan ng trabaho.
Kabilang dito ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa kinakailangang ayuda at interbensyon, at ang Department of Labor and Employment (DOLE) upang matulungan ang mga apektadong manggagawa na makahanap ng pansamantala o permanenteng hanapbuhay.
Dahil sa posibleng panganib sa kalusugan mula sa exposure sa hazardous substances, ipinag-utos din ng kalihim ang pagsasagawa ng komprehensibong medical examination para sa lahat ng personnel na sangkot sa operasyon.
Nagbabala rin si Teodoro laban sa sinumang hahadlang sa nagpapatuloy na imbestigasyon, at iginiit na pananagutin ang mga magtatangkang gambalain ang legal na operasyon ng mga awtoridad.
Kasama ni Teodoro sa pagbisita sina PAOCC Undersecretary Benjamin Acorda, OCD Region X Regional Director Antonio Sugarol, at mga kinatawan mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).
















