Isa ng ganap na National Shrine ang tanyag at dinarayong simbahan ng mga deboto na Quiapo church.
Ito ay kasunod ng pag-apruba ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa petisyon ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula na gawing National Shrine of the Black Nazarene ang Archdiocesan Shrine of the Black Nazarene.
Ito na ang ika-29 na idineklarang national shrine sa bansa.
Ginawa ang naturang anunsiyo kasabay ng idinaos na ika-126 plenary session ng CBCP sa Kalibo, Aklan noong nakalipas na linggo.
Inihayag ng CBCP na sa loob ng maraming taon, nagsilbing isang tanyag na landmark para sa pilgrims mula sa iba’t ibang dako ng bansa ang naturang simbahan.
Simula din aniya ng isagawa ang Traslacion ng imahe mula Intramuros hanggang Quiapo noong 1787, naging lugar na ng debosyon para sa mga Pilipino ang simbahan.
Maliban dito, noong 1987, itinaas ni St. John Paul II ang status ng simbahan sa Minor Basilica of the Black Nazarene dahil sa importansiya nito bilang lugar ng pagsamba kay Hesukristo at ang epekto nito sa kultura sa mga religious activities ng mga Pilipino.