BUTUAN CITY – Mainit na welcome ceremony ang sumalubong sa dalawang Balangay boat na dumaong nitong araw sa daungan ng Philippine Ports Authority-Butuan Bay (PPA) mula Palawan.
Bahagi ito ng 500-araw na countdown para sa Quincentennial Commemorations o pagdiriwang sa papanalo mula sa mga mananakop at pagka-Kristiyano ng Pilipinas.
Saksi sa seremonya ang ilang local officials ng Butuan na sina Rep. Lawrence Fortun, Mayor Ronnie Vicente Lagnada at mga board member.
Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ni expidition leader at dating Environment Usec. Art Valdez labis ang kanilang kaligayahan dahil sa mainit na pagtanggap ng mga taga-Butuan kasabay ng pagwagayway sa watawat ng Pilipinas.
Dagdag pa nito, espesyal na araw ngayon para sa mga taga-Butuan dahil ito ang unang pagkakataon na nasaksihan ng lahat ang totoong Balangay boats na kakaiba sa mga artifacts lamang na makikita sa museum ng lungsod.
Sa ngayon ay papunta na ng international port sa bayan ng Nasipit, Agusan del Norte ang nasabing mga bangka upang doon muna mamalagi dahil ligtas ito sa mga posibleng pinsalang maaring maihatid mula sa mga ma-aanod na kahoy sa Agusan River.