-- Advertisements --

Umapela si House Deputy Minority Leader Stella Quimbo sa pamahalaan na buksan na ulit ang ekonomiya kasunod na rin nang pagsirit ng presyo ng mga panungahing bilihin noong Agosto.

Ginawa ito ni Quimbo matapos na bawiin ng national government ang nauna nitong desisyon na ilagay na ang Metro Manila sa general community quarantine (GCQ) na may kasamang localized lockdown para isailalim ulit sa modified GCQ.

Sinabi ni Quimbo na base sa report ng Philippine Statistics Authority (PSA), patuloy na tumataas ang presyo ng pagkain, tulad na lamang ng sa karne ng baboy na pumalo sa 39 percent ang inflation rate noong Agosto.

Babala ni Quimbo na kapag patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin habang sarado pa rin ang ekonomiya ay hindi na magiging sapat ang pagkain lalo na para sa mga no work, no pay workers na umaabot sa 6 million ang bilang sa NCR plus areas lamang.

Sa halip na “shotgun” approach sa ilalim ng isang malawakang lockdown, sinabi ni Quimbo na ang dapat ay “surgical” kung saan pipiliin lamang ang mga lugar na kailangan ilagay sa lockdown.

Makakatulong din aniya kung magpatupad ng tinatawag na business bubbles para manatiling bukas ang mga workplaces pati na rin ang mga negosyo kung wala na rin namang maibibigay na ayuda ang pamahalaan.