-- Advertisements --

Sinisisi ni Pastor Apollo Quiboloy si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kalagayan ng sitwasyon niya ngayon. Magmula raw kasi ng naupo si PBBM ay naging kumplikado na ang kaniyang buhay. 

“Naging complicated po ang aking sitwasyon dito sa bansang Pilipinas mula [ng] nanalo si Bongbong Marcos at naging presidente siya,” ani Quiboloy sa isang voice message na inilabas ng SMNI, ang broadcast media arm Kingdom of Jesus Christ. 

Nagsimula raw magbago ang lahat nang bumisita si Pangulong Marcos sa US. Magmula raw noon ay naging kaibigan na ng presidente ang America na naging dahilan daw ng pagbubukas ng pinto ng Pilipinas sa mga Amerikano. 

Iginiit din ni Quiboloy na kabilang sa mga nabuksan sa pakikipag-usap ng pangulo ay ang mga kaso niya kung saan hiningi na raw umano siya ng Amerika sa rehimeng Marcos. 

Dagdag pa ni Quiboloy, noong December 21 o 22 ng nakaraang taon daw nagkasundo si PBBM at ang Federal Bureau of Investigation ng America na ibibigay ng gobyerno ng Pilipinas si Quiboloy sa kamay ng Amerikano. 

Dahil umano rito ay nagsimula na siyang i-surveillance mapa-araw man o gabi. 

Si Pastor Apollo Quiboloy ay wanted ng Federal Bureau of Investigation sa Amerika dahil sa patong-patong na kaso kabilang na ang conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud and coercion, sex trafficking of children, at bulk cash smuggling. 

Dito naman sa bansa ay patuloy pa ring pinaghahahanap ang self-proclaimed “appointed son of god” matapos mag-isyu ng warrants of arrest ang korte sa Davao City dahil umano sa paglabag nito sa Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.