Mahigpit na ipagbabawal ng Quezon City government sa mga private households sa Quezon City ang paggamit ng firecrackers bago ang Bagong Taon.
Pero papayagan naman ang ilang naaprubahang uri ng firecrackers sa mga public places.
Sinabi ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na ito ay dahil na rin sa 47 percent na pagtaas ng emergencies at injuries dahil sa mga unregulated at indiscriminate use ng firecrackers at pyrotechnic devices noong 2021.
Dahil dito, nais daw nilang ma-minimize o di kaya’y ma-eliminate ang bilang ng firecracker-related injuries at casualties.
Nais din umano niyang maprotektahan ang mga tahanan, commercial buildings at iba pang structures laban sa incidental fires at mapababa ang harmful effects o hazardous chemicals at pollutants.
Una nang sinabi ng Department of Health (DoH) na posibleng magkaroon ng downward trend sa firework-related injuries mula 2016 hanngang 2021.
Pero sa kabila nito, hinimok pa rin nila ang publiko na ipagpatuloy ang pag-practice sa mas ligtas na pagdiriwang ng New Year sa paggamit ng alternatibong paraan para makagawa ng ingay sa pagsalubong ng Bagong Taon.
Sa ilalim ng Executive Order 54 S-2022, ipinag-utos ni Belmonte na ang mga fireworks displays ay dapat ipaalam o kumuha ng otorisasyon sa Department of Public Order and Safety (DPOS).
Kailangan din ng clearance sa Department of Public Order and Safety ang pagbebenta ng firecrackers at pyrotechnic devices sa mga shopping malls.
Kailangan din dito ang special permit mula sa Business Permits and Licensing Department (BPLD).
Ang pagbenenta ng mga ito sa public sidewalks, tiangge, stores at kaparehong establishments ay mahigpit namang ipinagbabawal.
Ipinagbabawal din ang pagbebenta at pamamahagi o pamimigay ng firecrackers at pyrotechnic devices sa mga menor de edad.
Ang mga lalabag dito ay maaaring mamultahan ng P5,000 o isang taong pagkakakulong o parehong parusa base na rin sa discretion ng korte.
Noong nakaraang linggo, naglabas ang Department of Trade and Industry (DTI) ng listahan ng certified fireworks at firecrackers na mayroong Philippine Standard (PS) mark para garantisadong ligtas ata maganda ang kalidad.