Todo depensa agad ang Department of Health (DoH) sa plano nilang iksian ang quarantine period ng mga bakunadong health care workers na nagkaroon ng contacts sa mga positibo sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sinabi ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire, ang kanilang hirit ay dahil na rin sa kakulangan na ng mga health workers sa mga ospital lalo ngayong lumobo na sa mahigit 18,000 ang covid cases sa bansa sa loob ng isang araw.
Dahil dito, maglalabas daw ng polisiya ang DoH sa plano nilang iksian ang kanilang isolation o quarantine mula sa 14 araw sa pitong araw na lamang.
Pero nilinaw ni Vergeire na para lamang ito sa mga healthcare workers na fully vaccinated na ng COVID-19 vaccine.
Aniya, ito na rin umano ang naging rekomendasyon ng mga eksperto noon basta sa ika-limang araw ay magpa-swab test ang mga ito at kapag negatibo ang resulta ay puwede na silang bumalik sa kanilang mga trabaho.
Sa ngayon, isinasapinal na raw nila ang naturang polisiya at agad namang maglalabas ng guidelines kapag aprubado na ito ng mga eksperto.
Dagdag niya, tinutulungan na rin umano ng DoH ang mga ospital na maparami ang kanilang bed capacity at ang pag-hire ng mas marami pang health care workers.