CENTRAL MINDANAO- Patuloy ang pagsusuri ng Quality Assurance Monitoring ng Department of the Interior and Local Government (DILG), Provincial Technical Engineers, Provincial Engineer’s Office (PEO) at ng Provincial Project Monitoring Council (PPMC) sa mga proyektong inprastraktura ng lalawigan na pinondohan sa ilalim ng Fiscal Year 2021 Local Government Support Fund – Support to Barangay Development Program (LGSF-SBDP) at Local Government Support Fund – Financial Assistance to Local Government Units (LGSF-FALGU).
Ang layunin ng nasabing aktibidad ay tiyakin ang kalidad ng mga proyektong inprastrakturang ipinapatupad sa lalawigan. Isa rin itong paraan para masiguro na nagagamit nang maayos ang buwis ng mamamayan.
Binisita ng grupo ang mga proyekto sa mga kabarangayan sa Antipas, Arakan, President Roxas, Magpet, Makilala, at Tulunan na pinondohan mula sa LGSF-SBDP. Prayoridad ng nasabing pondo ang mga barangay na apektado ng insurhensiya na may budget allocation na 20M bawat barangay.
Kabilang naman sa mga namonitor ng grupo na pinondohan ng LGSF-FALGU ay ang mga Barangay Hall at Multi-purpose Building sa Barangay Natutungan, Bangbang, at Arakan sa bayan ng Matalam na nagkakahalaga ng 5 million pesos bawat isa.
Ang nasabing inisyatibo ay suportado ni Cotabato Governor Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza na nagpadala ng mga kinatawan mula sa pamahalaang panlalawigan upang tumulong sa nasabing aktibidad.