-- Advertisements --

(Update) KORONADAL CITY – Pinalakas pa ngayon ng Rural Health Unit sa Arakan, North Cotabato ang food safety awareness matapos ang naitalang food poisoning na nagresulta sa pagkamatay ng isang earthquake survivor at pagka-dehydrate naman ng 133 iba pa.

Ayon kay Municipal Health Officer Dr. Karen Canario, nadagdagan pa ang bilang ng mga na-food poison sa isinagawang salo-salo sa Barangay Salasang, Arakan, North Cotabato.

Umabot sa 60 ang dinala sa President Roxas Community Hospital, 20 sa Cotabato Provincial Hospital, dalawa sa Antipas Medical Hospital habang 51 naman sa Arakan Valley District Hospital.

Aniya, kumain ang mga biktima ng iba’t ibang putahe sa kanilang Christmas Party gaya ng pancit bam-e, lauya, afritada at bihon na inihanda ng isang pamilya.

Nakilala ang nasawi na si Bernabe Libuan, isang PWD na hindi naman nakadalo sa naturang Christmas party pero dinalhan ng kanyang pamilya ng mga natira sa handaan.

Pero hindi naman anya lahat ng dumalo sa party ay nakaramdam ng pananakit ng tiyan, pagkahilo, pagbabawas at matinding pagsusuka.

Sa ngayon, hindi pa malinaw sa RHU kung anong inihandang pagkain ang nakontamina dahil wala ng natira rito na magagamit sana bilang sample at maimbestigahan.