Naniniwala ang Quad Committee na mas mapapabilis ang usad ng imbestigasyon ukol sa umano’y extrajudicial killings sa ilalim ng administrasyong Duterte kung magsasanib-puwersa ang Kamara at Senado.
Ayon kay Quad Comm overall chairman Robert Ace Barbers, ipapanukala nila kina Speaker Martin Romualdez at Senate President Chiz Escudero na magkaroon ng joint committee hearing upang pag-isahin ang pagsisiyasat sa EJK.
Sa ganitong paraan aniya ay magiging mas malawak, komprehensibo at matalino ang mga tanong ng mga mambabatas at masisigurong patas ang imbestigasyon.
Paliwanag ni Barbers, kahalintulad ito ng joint session sa State of the Nation Address ng Pangulo o bicameral conference committee.
Malawak na usapin umano ang EJK na mahalagang talakayin kaya panahon na para magtipon at gumawa ng solusyon sa pamamagitan ng bagong batas na magpapatigil sa patayan.
Suportado naman ni Barbers ang pagsasagawa ng parallel investigation ng Senado at inaasahan nilang magtutugma ang imbestigasyon ng dalawang kapulungan ukol sa isyu.