Nagsumite na ng pagbibitiw sa puwesto bilang direktor ng Quezon City Police District si PBGEN Nicolas Torre III ngayong araw
Ito ay kasunod ng isyung bumalot sa viral road rage sa Quezon City na kinasasangkutan ng dating pulis na si Wilfredo Gonzales na nanampal at nagkasa ng baril sa isang siklista.
May kaugnayan pa rin ito sa pagbibigay ni Torre ng pagkakataon kay Gonzales na magpapress conference sa tanggapan ng QCPD sa mismong araw ng kaniyang pagsuko sa pulisya.
Sa isang pahayag ay sinabi ni PBGEN Torre na talagang pinagsisisihan niya ang kaniyang naging desisyon na pahintulutan ang pagsasagawa ng naturang press conference.
Aniya, ang kaniyang naging pasya ay ginawa lamang sa napakaikling panahon, bagay na maaari pa raw sana niyang naitama.
Ngunit nangyari na ang naturang insidente at tanging kapatawaran na lamang sa taumbayan ang kaniyang hiningi hinggil sa pagkakamaling kaniyang nagawa.
Dagdag pa ni Torre, ang kaniyang pagbibitiw ay isa na ring paraan upang magbigay-daan sa impartial investigation na isinasagawa ngayon ng mga kinauukulan hinggil sa nangyaring insidente.
Aniya, magpapahinga muna siya ngunit handa pa rin aniya siyang makipagtulungan sa naturang imbestigasyon.
Kung maaalala, una nang nagpahayag ng pagkadismaya si Quezon City Mayor Joy Belmonte nang mapag-alaman niyang binigyan ng platform ng QCPD ang dating pulis na sangkot sa viral road rage incident sa lungsod upang magpaliwanag ng kaniyang sarili na nagpapakita lamang aniya na tila panig kay Gonzales ang pulisya.
Matatandaan ding iginiit ni Torre na walang dahilan para magkaroon ng special treatment ang QCPD kay Gonzales kahit na dati pa itong nagsilbi sa Criminal Investigation and Detection Unit ng naturang hanay ng kapulisan.
Una na ring dumipensa si Torre na kaya niya hinayaan na magpapresscon si Gonzales ay sa kadahilanang nasa labas noon ng kaniyang tanggapan sa Camp Karingal ang mga mamamahayag sa kaparehong araw na sumuko si Gonzales sa pulisya.