-- Advertisements --

Mariing kinondena ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang ginawang dispersal ng mga pulis sa mga estudyante ng Polytechnic University of the Philippines na nag-protesta sa labas ng House of Representatives dahil sa kawalan umano ng student representation sa hearing ng kamara patungkol sa National Polytechnic University Bill o NPU Bill.

Nangangamba kasi ang mga estudyante ng PUP na ang NPU Bill ay maging banta ng komersyalisasyon at pribatisasyon ng edukasyon, mga gusali, at pampublikong serbisyo na lalo umanong magpapahirap sa mga estudyante na makatamasa ng aksesableng edukasyon.

Ayon kay Belmonte, walang puwang ang ganitong aksyon sa lungsod lalo pa’t kilala umano ang Quezon City bilang lugar kung saan malayang nakakapagtipon at nakakapagpahayag ng saloobin at karapatan ang iba’t ibang grupo. 

Dahil dito, inatasan na ni QCPD Chief General Maranan ang Internal Affairs Service na imbestigahan kung may paglabag sa Police Operational Procedures.

Sa huling ulat, nakapagsalita na sa committee hearing sina SAMASA PUP Chairperson Ronjay Mendiola at PUP Student Regent Kim Modelo.