Pumalo na sa 140 Covid-19 positive cases ang naitala sa siyudad ng Quezon City as of March 30,2020, kung saan 26 dito ang nasawi habang 10 ang recovered.
Nasa 18 barangays ang isinailalim sa extreme enhanced community quarantine dahil sa mga naitalang COVID-19 positive cases.
Ang 18 barangays na nasa extreme enhanced community quarantine ay ang mga sumusunod: Barangays B.L. Crame, Bahay Toro, Batasan Hills, Brgy Central, Culiat , E. Rodriguez , Kalusugan , Maharlika, Matandang Balara, Paligsahan , Pasong Tamo , R. Magsaysay, San Isidro Labrador, San Roque , South Triangle , Tatalon, Tandang Sora at Teachers Village West.
Dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng COVID-19 cases sa siyudad, hindi rin tumitigil ang isinasagawang disinfection at sanitation sa mga barangays.
Umapela naman ang Quezon City government sa pamumuno ni Mayor Joy Belmonte sa 142 barangays na istriktong ipatupad ang home quarantine at social distancing measures para maiwasan na kumalat pa ang virus.
Hinimok din ang mga residente na sumunod sa proper hygiene gaya ng paghugas ng kamay at pag disinfect sa loob ng kani-kanilang mga tahanan.
Samantala, ngayong araw March 31, nakatakdang buksan ng QC government ang ikalawang temporary quarantine facility para sa mga person under investigation na posibleng nahawa ng coronavirus disease 2019.
Tinawag ni Mayor Belmonte na HOPE II ang nasabing quarantine facility na matatagpuan sa Quezon City University (QCU) Complex sa Novaliches na mayruong 168-bed capacity.
Ang mga pasyenteng ma-admit sa HOPE II ay bibigyan ng pagkain, isolated place, personal hygiene kits, proper medication ng mga health workers.
Ang HOPE I quarantine facility ay kasalukuyang may naka-admit na 10 COVID-19 positive patients at 24 Person Under Investigations (PUIs).