Umapela ang lokal na pamahalaan ng Quezon City sa Department of Health (DOH) na muling suriin ang kanilang reporting system para mapalakas ang contact tracing ng local government units.
Tugon ito ng QC LGU matapos kumalat ang isang online post kamakailan kung saan inireklamo ang city government dahil sa kakulangan daw ng contact tracing ng lungsod sa pamilya ng isang nag-positibong residente.
Pero nakita naman sa ginawang imbestigasyon ng local authorities na hindi nag-report ang pasyente sa LGU at agad dumirekta sa DOH kung saan wala pang hawak na data mula sa lokal na pamahalaan.
Hindi rin daw nagsumite ng resulta sa COVIDKaya ang laboratoryo na humawak sa test ng naturang pasyente.
“We again reiterate our call for the DOH to review their COVID KAYA system because this is where we get our information for our contact tracing efforts. Incomplete data is like looking for a needle in a haystack,” ani Belmonte.
“We urge DOH to act on this immediately and call the attention of all laboratories and hospitals to submit complete information so that we from the LGU can do our task properly,” dagdag ng alkalde.
Bukod dito, natukoy din umano ng local government unit na may 8,000 indibidwal na na-tag o kinilalang residente ng lungsod pero walang impormasyon ng kanilang pagkakakilanlan at kung saan sila nakatira.
Ayon kay Mayor Belmonte, kung pinal na itong 8,000 bagong kaso mula sa kanyang lungsod ay aabot nasa halos 17, 907 ang kanilang total cases.
“There is an urgent need for the DOH to review its database so all local government units which depend on it for contact tracing efforts can do their jobs efficiently.”
Sa ngayon wala pang reaksyon dito ang DOH pero una nang ipinaliwanag ng ahensya may ilang reporting units pa rin talaga ang hindi gumagamit ng kanilang automated system sa pagsa-submit ng data.
Ang utos kasi ng Health department sa mga laboratoryo, ospital at local government units na nagsasagawa ng test at kumukuha ng resulta, ay ipasok nila sa COVIDKaya o di kaya ay sa COVID Data Repository System ang datos para matanggap ng Central office at ma-validate.
Nagbabala na rin ang ahensya sa reporting units na hindi susunod sa utos na ‘yan na posibleng maaapektuhan ang operasyon ng kanilang mga pasilidad kung hindi tatalima sa utos ng DOH.