Nanawagan si Quezon City 4th District Rep. Marvin Rillo sa House Committee on Energy na magsagawa ng imbestigasyon hinggil sa hindi makontrol na presyo ng mga produktong petrolyo upang malabanan ang posibleng overpricing ng mga kumpanya ng langis at ang kanilang pagtaas ng kita sa gastos ng mga mamimili.
Si Rillo, na isang neophyte lawmaker, ay humingi ng pagsisiyasat sa pamamagitan ng House Resolution 153.
Batay sa Consumer Act of 1992 o Republic Act No.7394, layon ng estado na protektahan ang mga interes ng mamimili, protektahan ang kanyang pangkalahatang kapakanan, at upang magtatag ng mga pamantayan ng pag-uugali para sa negosyo.”
Paliwanag ni Rillo, ang magkakasabay at pare parehong halaga ng pagtataas sa presyo ng mga oil companies ay nagpapakita ng kawalan nila ng masiglang kumpetisyon na mahalaga para mapanatiling patas at makatwiran ang presyo ng petrolyo sa bansa.
Paliwanag ni Rillo na dahil sa Downstream Oil Industry Deregulation Law of 1998 ay malaya ngayon ang mga local oil companies na magtakda ng presyo kung saan maari silang mas kumita ng malaki.
Sinabi ni Rillo, ang ganitong patakaran ay daan para maisahan ng mga oil companies ang mamamayang Pilipino dahil sa umano’y maaring pagpapataw nila ng presyo na mas mataas sa patas at resonableng halaga.