Nanawagan si Senator Bong Go sa business community na ibahagi ang kanilang “biyaya sa buhay” sa mga mahihirap na manggagawa, lalo na kung hindi naman ito ikalulugi ng kanilang mga kumpanya.
Ginawa ng senador ang panawagan sa gitna ng diskusyon sa Senado kaugnay ng temporary restraining order na inilabas laban sa naaprubahang P85 dagdag sa arawang sahod.
Binigyang-diin ni Go na patuloy ang pagsipa ng presyo ng petrolyo at mga pangunahing bilihin, habang ang halaga ng piso ay lalo pang bumababa.
Aniya, napakaliit na ng kasalukuyang sahod para sa pang-araw-araw na pangangailangan ng mga manggagawa.
Kasabay nito, muling isinulong ng senador ang Senate Bill No. 175 na naglalayong magpatupad ng P100 across-the-board wage hike.
Layunin ng panukala na maibsan ang bigat ng gastusin ng mga manggagawa at matiyak na makikinabang sila sa paglago ng ekonomiya.
Sa kanyang panawagan, hinikayat ni Go ang mga negosyante na magpakita ng malasakit at magbahagi ng kanilang kita upang makatulong sa mga sektor na higit na nangangailangan.
















