-- Advertisements --

DAVAO CITY – Pormal nang sinampahan ng kaso ang PWD (person with disabilities) kaugnay sa pagpatay sa isang dalagita.

Kinilala ang suspek na si Randy Labramonte, kapitbahay ng biktima sa Purok 3-C, Barangay Tibal-og, Sto. Tomas, Davao del Norte at kumpare umano ng ama ng biktimang si Kimberly Labrador, 12-anyos.

Naaresto ang suspek sa bahay ng bayaw nito at nakuha pa ng mga otoridad mula sa kanyang posisyon ang isang pakete ng pinaniniwalaang shabu.

Pero malaki ang paniniwala ng ina ng biktima na may iba pang kasamahan ang PWD sa paggawa ng krimen lalo’t putol ang isang paa nito at nakatungkod pa kaya nahihirapan itong kumilos mag-isa.

Una rito, patay na nang makita ang biktima na nakalutang sa irrigation canal sa naturang lugar.

Nakitaan ito ng mga sugat sa kanyang mukha at ulo, nakatali pa ang mga kamay, paa at leeg nito.

Huling nakita ang biktima na kasama ang suspek, isang araw bago ito nadiskobreng patay.

Sa ngayon hinihintay pa ang resulta ng autopsy report sa bangkay ng biktima upang malaman kung ginahasa ba ito ng suspek.