-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Hindi magpapatalo ang ilang persons with disabilities (PWD) kung kakayahan ang pag-uusapan sa nagpapatuloy na Socsargen Regional Athletic Association Meet (SRAA) 2020 sa Lungsod ng Heneral Santos.

Katunayan, isa sa ipinagmamalaki na pambato ng Koronadal City sa Paralympic Games ay ang atletang si Roldan Sagan.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Sagan, hindi sagabal ang kaniyang pagkabulag upang makapaglaro sa naturang aktibidad.

Dagdag pa nito na isang miyembro ng Philippine Team sa Paragames, kailangan ang focus, presence of mind at panalangin, upang manalo sa kaniyang mga event.

Nabatid na sinasamahan siya ng kaniyang runner guide upang gabayan ang kaniyang pagtakbo at sa iba pang mga palaro.

Samantala, inilarawan naman ni Department of Education-12 Regional Director Allan Farnazo na mistulang mga panawagan ng Bombo Radyo ang mga abiso sa mga venue na mag-ingat laban sa banta ng Coronavirus.

Ayon kay Farnazo, kabilang lamang ito sa kanilang paghahanda upang matiyak ang ligtas na pagsasagawa ng SRAA Meet 2020 laban sa nakakamatay na sakit.

Sa ngayon, 11 gold, apat na silver at isang bronze medal na ang nasungkit ng Koronadal City delegation sa Paralympic games.

Target nilang makamit ang 20 gold medals.