GENERAL SANTOS CITY – Kulong ang 68-anyos na purok chairman makaraan ang isinagawang buy bust operation ng mga tauhan ng Polomolok Municipal Police Station sa Polomolok, South Cotabato, Lunes ng gabi.

Kinilala itong si Danilo Gumban, residente ng Prk Sto Niño, Cannery Site, Polomolok.

Ito ay matapos umanong mabilhan ng mga pulis ng isang sachet ng shabu sa halagang P500 sa labas mismo ng kaniyang bahay.

Nag-ugat ang operasyon makaraang maging usap-usapan ng kaniyang mga kapitbahay ang pagbebenta ng suspek ng iligal na droga lalo na sa mga kabataan sa kanilang lugar.

Samantala, napag-alamang noong nakaraang araw lamang ay sinampahan din si Gumban ng kasong statutory rape dahil sa panghahalay sa 12-anyos na biktima.

Maliban dito ay napag-alamang dati na ring nakasuhan ng rape noon ang suspek.

Inihahanda na ang pagsasampa ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa nasabing purok chairman.