ROXAS CITY – Viral sa social media site na Facebook ang ginawang pananakit ng isang punong barangay sa isang residente sa Barangay Duyoc, Dao, Capiz.
Nangyari ang pananakit sa loob ng barangay hall kung saan ipinatawag si Arnel Arrojado matapos ireklamo ito ng panununtok ng kanyang kasamahan sa palayan.
Nasa kalagitnaan ng pag-uusig kay Arrojado ng isang barangay kagawad nang dumating si Kapitan Nestor Lachica at biglang sinuntok si Arrojado na ikinabigla naman ng mga taong nasa loob ng barangay.
Kaagad naman dumipensa si kapitan Lachica sa ginawang pananakit kay Arrojado at sinabing nadala lamang ito ng emosyon dahil kilalang basagulero sa kanilang barangay si Arrojado.
Samantala ayon naman kay Arrojado na sa kabila ng ginawang pananakit sa kanya ni Kapian Lachica ay wala itong planong magsampa ng kaso laban sa punong barangay.