-- Advertisements --

ILOILO CITY – Nanindigan si Pulse Asia Research Director Ana Tabunda na gumamit sila ng scientific na paraan para sa mga resulta ng kanilang presidential elections surveys.

Ito ay matapos umani ng pagkwestyon ang latest na resulta ng survey kung saan bumaba ang porsyento ni dating Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos, at kapansin-pansin ang pagtaas ng rating ni Vice President Leni Robredo.

Sa latest survey ng Pulse Asia, lumalabas na mula sa dating 60% ay naging 56% na lang ang botante ang boboto kay Bongbong kung ginawa ang eleksyon mula ika-17 hanggang ika-21 ng Marso, habang nasa 24% naman ang sumusuporta kay Robredo na dating nasa 15% lang noong Pebrero.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Tabunda, sinabi nito na kahit ganito ang itsura ng surveys, ‘di ibig sabihing ito na ang magiging resulta sa Mayo.

Anya, malaki ang epekto ng ginagawang campaign rally at debate upang maliwanagan ang mga botante sa kanilang pipiliing kandidato.

Matatandaang nasa ikalawang pwesto lang si Pangulong Rodrigo Duterte sa Social Weather Stations at Pulse Asia surveys sa mga unang buwan ng 2016.

Sa kabila nito, si Duterte pa rin ang nanalo noong taong ‘yon.