Kinumpirma ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles ang mangyayaring bilateral meeting, sa pagitan nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at United States President Joe Biden.
Ayon kay Angeles, ito ang kauna-unahang face to face meeting ng dalawa, kung saan mangyayari ito sa sidelines ng dinadaluhang United Nations General Assembly ng mga ito.
Inaasahang matatalakay ng dalawang world leader ang pagpapatatag ng relasyon ng Pilipinas at America.
Sa ngayon kasi ay nasa 76 na taon na ang ugnayan ng dalawang bansa, kung saan marami na ring usapin ang magkatuwang na nalagpasan.
“Sa unang pagkakataon, nakatakdang makipagkita at makipagpulong ang ating Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. kay US President Joe Biden sa sidelines ng United Nations General Assembly sa Estados Unidos. Inaasahang matatalakay ng dalawang world leader ang pagpapatatag ng relasyong Pilipinas-US na nasa 76 na taon na ng kooperasyon, pagpapayabong ng kalakalan, pamumuhunan sa ating bansa, at iba pang isyu na kinakaharap ng mundo,” wika ni Angeles.
Pero una nang sinabi ng Malacanang na talagang abala ang dalawang lider kaya laging may posibilidad ng mga adjustment.